Isang munting dasal ang alay ko sa pinagdaanan ng kaibigang blogger na si Rj.
Hindi ko pa nakakasama ng personal si Rj pero parang antagal ko na siyang kainuman, kasama sa mga lakaran at kakwentuhan. Pareho kasi kami ng mga gusto sa buhay - magpaka-stick-to-wan sa misis namin, magkaroon ng simpleng pamilya at magkaroon ng bonggang bonggang high end laptop.
Sobrang nakakalungkot din kasi pareho naming ine-expect na maging first time Dad ngayong taon. Kung hindi rin nakunan si BebeKo noong Marso, malamang Nobyembre din ang due date ni BebeKo na sana ay panganay namin kasabay ng panganay nina Bachoinkchoink at Rj. Tapos paglaki nila magiging bloggers din, mag-e-exchange links sa isa’t-isa, at kung may mabuo mang love story, labas na ako dun. Basta wag lang nilang kakalimutang minsan, mga sikat na pakyut na blogista ang mga tatay at nanay nila.
Mataas ang risk na makunan ang mga first time buntis, eto ‘yung pinaintindi sa amin ng ‘cool na cool’ na OB ni BebeKo. Nung malaman naming sana ay may panganay na kami kung hindi lang nakunan si BebeKo, sinabihan pa ni Dra. Guilot si BebeKo ng, ‘O? Wag kang iiyak iyak dyan, sasapakin kita. Ganyan talaga sa umpisa’. Ngayon tutok na ako at saka si Dra. sa pagbubuntis ni BebeKo. Paminsan-minsan meron ding pasulyap sulyap at pakindat kindat sakin si doktora sabay kagat labi, hindi ko alam kung may halong malisya ‘yun o talagang kirat lang siya at tulo laway ang labi.
Kay pareng Rj at sa ating lahat, di man tayo nagkikita sa personal ehem… ehem… I feel you, importante sakin ang samahan natin, para ko kayong ingrown, pag sumakit ramdam ko to the bones.
